Make your own free website on Tripod.com


an article by Lito Manago, Teen Movie Magazine, 25 February 1999, p. 8

Nagpaliwanag si Antoinette Taus kung bakit hindi siya napasama sa Sumigaw Ka na bagong show ng Viva TV. Ayon sa kanya, walang kinalaman 'yung partisipasyon ni Dingdong Dantes sa show kaya tinanggihan ng kanyang daddy (Tom Taus, Sr.) ang project.

Idinagdag pa ng aktres na nagugulat din siya sa mga naglalabasang isyu sa kanyang daddy lately. Tipong nagiging kontrabida na naman ang kanyang ama. Na ayaw din siyempre naming paniwalaan, huh!

Ang paglilinaw ng isyu ay galing na mismo kay Toni nang pasyalan namin ito sa taping ng TGIS ng Viva Television last week. Nakangiti pang humarap sa amin si Toni habang nagpapaliwanag.

"Ah, hindi!" agad na paliwanag niya. "Walang kinalaman si Dingdong. Pagdating sa propesyon walang kinalaman doon si Dingdong kung kasama man siya o hindi. Hindi sa ayaw ng daddy ko na tanggapin 'yon dahil nandoon si Dingdong. Kumbaga, kahit ano tinatanggap niya kung gusto talaga niya."

"Ang naging problema talaga is I've been too busy. Lately kasi madalas akong mag-guest sa SOP and then I still have TGIS, Anna Karenina tapos may pelikula pa. And then I still have my school."

"Tapos sumisingit din ang recordings at rehearsals. Parang sobrang dami na ng ginagawa ko. Nakakatakot din dahil baka hindi ko na makayanan kung tatanggapin namin 'yung bagong show. Ayaw lang ng daddy ko na mapagod ako nang husto dahil baka bumagsak ang katawan ko. Takot din ang daddy ko na baka mapabayaan ko na 'yung studies ko."

"I think that's the main reason. Maliban sa mga nabanggit ko, wala nang iba pang dahilan at hindi rin dahilan 'yung presence ni Dingdong doon," mahabang eksplanasyon ng lalo pa yatang gumagandang aktres.

Personal na bang nagkausap sina Dingdong at ang daddy niya?

"Oo naman! Ilang beses na. Minsan nga seryosohan talaga. Okey sila, walang problema sa kanila."

"Kapag nagkikita sila nagkukuwentuhan naman sila lalo na sa set kung napapadalaw ang daddy ko. And then one time nga nu'ng nagkita sila sa hospital," say ni Toni.

Marami ang nakakapansin na tila hindi na siya madalas samahan ng daddy niya sa taping o kaya'y sa shooting ng pelikula. Ibig kaya nitong sabihin, panatag na ang loob ng daddy niya kay Dingdong?

"Usually, kapag mga tapings hindi na siya sumasama. But if he's not busy, sinasamahan pa rin niya ako. Siyempre naman may iba ring inaasikaso ang daddy ko."

"No, hindi rin. Kumbaga, kahit kaninong guy, ayaw na ayaw ng daddy ko na nagiging malapit ako. Pero he trusts me naman in my decisions. Alam naman niyang wala akong gagawing ikakapahamak ko."

"Di ba nga, minsan sinabi ko na handa naman akong maghintay hanggang dumating ako sa tamang edad. Ayoko ring talikuran ko ang mga magulang ko dahil I always tell them everything lalo na sa mommy ko. Minsan, may sikreto ako pero wala pang isang araw sinasabi ko na rin sa mommy ko."

"Alam n'yo 'yon? Hindi ako nakukuntento na hindi ko sasabihin sa mommy ko. Kapag may sikreto ako sinasabi ko dahil talagang hindi kaya ng konsensiya kong itago. Hindi ko talaga makayanan," pagtatapat pa ng kausap namin.

Inalam din namin kung ano 'yung reaksyon ng kanyang favorite leading man nang malaman nitong hindi siya makakasama sa bagong show?

"Siyempre, nalungkot. Sabi niya, dapat sumali raw ako. Gusto sana niyang makasama ako pero wala akong magagawa kasi daddy ko nga ang nagdesisyon. Mahirap namang suwayin ang gustong mangyari ng daddy ko."

"Ayaw ko rin namang sumama ang loob niya sa akin. Alam n'yo namang mabait din akong anak. Sumusunod ako kung ano 'yung gusto ng parents ko," sabi pa ni Toni.

Tulad ni Dingdong, ikinalungkot din ni Antoinette na hindi siya nakasama sa bagong bubuksang programa.

"Nalungkot din ako kasi unang-una, maganda rin naman 'yung may bagong show. Pero naiintindihan ko rin naman ang daddy ko na it's really hard talaga na halos araw-araw nasa labas ako. Ang hirap kasi puyatan 'yon, di ba?"

"Mahirap din kasi talaga 'yung maraming ginagawa. Minsan, nasisira 'yung schedule. Maraming naaapektuhan," paglilinaw pa niya habang papalapit naman si Dingdong sa amin.

Nagkaroon na ba siya ng lakas ng loob na ipagtapat sa kanyang ama na nanliligaw sa kanya si Dingdong?

"Obvious naman 'yun sa daddy ko. Kumbaga, may hint na siya pero hindi pa rin niya sinasabi. Hindi pa naman kasi pormal na nanliligaw sa akin si Dingdong. Kumbaga, mini-maintain pa rin namin ni Dingdong 'yung special friendship namin," masayang kuwento pa ni Antoinette.